Mariing kinondena ng dating Bayan Muna Representative na si Carlos Isagani Zarate ang ulat ng planong pagatatayo ng Estados Unidos ng mga ammunition factory sa Subic Bay na kilalang dating base militar ng Amerika.
Ang desisyon ay matapos atasan ng U.S. House Committee on Appropriations noong Hunyo 16 ang mga ahensya nito sa gobyerno na suriin ang posibilidad ng pagtatayo ng isang “joint ammunition manufacturing and storage facility” sa nasabing lugar.
Ayon sa komite kulang ang kanilang pasilidad para sa “forward-staged ammunition manufacturing” sa rehiyon ng Indo-Pacific, na itinuturing nilang isang pangangailangan.
Ibinabala pa ni Zarate ang posibleng panganib ng proyekto at tinukoy ito bilang isang “magnet for conflict.”
Ayon sa kanya, ang pagpapahintulot sa Amerika na magtayo ng ganitong pasilidad sa Subic ay isang paglapastangan sa soberanya ng Pilipinas at maaaring maglagay sa bansa sa panganib bilang potensyal na target ng mga digmaan.
Hinamon din ng dating kongresista ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na ipaglaban ang isang “independent foreign policy” at huwag sumunod muli sa mga kagustuhan ng Estados Unidos na ikokompromiso ang seguridad at soberanya ng bansa.