Nagsumite si Vice President Sara Duterte ng kaniyang counter-affidavit sa Office of the Ombudsman bilang tugon sa mga alegasyong may kinalaman sa umano’y maling paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).
Matatandaang pinamunuan niya ang DepEd mula 2022 hanggang sa kanyang pagbibitiw noong Hulyo 2024.
Ang pagsusumite ng counter-affidavit ay bahagi ng isinasagawang preliminary investigation ng Ombudsman, kasunod ng reklamo mula sa House Committee on Good Government and Public Accountability.
Ayon sa ulat, umabot sa P500 milyon ang confidential funds na ginamit ng OVP at P112.5 milyon naman sa DepEd sa ilalim ng pamumuno ni Duterte.
Bukod kay Duterte, siyam pang opisyal mula sa OVP at DepEd ang pinangalanan bilang mga respondent sa kaso.
Kabilang sa mga alegasyon laban sa kanila ang plunder, technical malversation, falsification of public documents, perjury, bribery, at betrayal of public trust.
Binigyan sila ng Ombudsman ng 10 araw mula sa pagtanggap ng kautusan upang magsumite ng kanilang mga tugon, kasama ang mga affidavit ng mga saksi at iba pang dokumentong sumusuporta sa kanilang panig.
Ayon sa anti-graft body, ang hindi pagsusumite sa itinakdang panahon ay ituturing na waiver sa karapatang magharap ng ebidensya.
Mariin namang itinanggi ni Duterte ang mga paratang at iginiit na walang iregularidad sa paggamit ng pondo sa ilalim ng kaniyang liderato.