-- Advertisements --

Nagbabala ang Embahada ng Pilipinas sa Washington laban sa maling impormasyon na kumakalat hinggil sa pagbabawal sa dual citizenship sa Estados Unidos.

Kabilang sa mga kumakalat sa social media sa US ang umano’y paghihigpit sa mga green card holders doon.

Batay sa abiso na inilabas ng Embahada, nilinaw nito na walang ginawang pagbabago ang US government hinggil sa usapin ng dual citizenship.

Hindi na rin aniya kailangan pang mag renounce ng kanilang Filipino citizenship dahil hindi naman kinakailangan.

Nabatid na ang post na kumakalat online sa naturang bansa ay nagdulot ng labis na pagka alarma sa mga Pilipino na naninirahan at nagtatrabaho doon.

Pinayuhan naman ng Embahada ang mga Pilipino sa US na ugaliing suriin ang mga impormasyon na kanilang nakikita at natatanggap kung ito ba ay galing mismo sa lehitimong source.

Sa ganitong paraan aniya ay maiiwasan na mabiktima ng mga pekeng info. at mas mainam na iwasan na rin ang pag share ng mga unverified content

Sa ilalim ng Dual Citizenship Law o Republic Act No. 9225, ang mga ipinanganak na Pilipino na naturalized citizen ng ibang bansa ay maaaring mag apply para sa Philippine citizenship kung sila ay nasa 18 anyos na .