-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Sinimulan nang talakayin ng House Committee on Government Enterprises and Privatization at Committee on Local Government ang pagbuo ng Boracay Island Development Authority (BIDA).

Layunin ng panukala na masuportahan at mapanatili ang mga nasimulang programang inilatag ng Boracay Inter-Agency Task Force (BIATF) matapos isailalim sa rehabilitasyon ang isla noong 2018 kasunod ng pagbansag dito ni Pangulong Rodrigo Duterte na “cesspool”.

Samantala, suportado ng mga negosyante mula sa Boracay Foundation Incorporaed (BFI) at Boracay Chamber of Commerce and Industry (BCCI) ang BIDA bill. Ngunit, hiniling nila kay Cong. Eric Olivares, chairman ng House Committee on Government Enterprises and Privatization na tutukan ang isyu ukol sa pagpapatitulo ng lupa, road easement, FlagT, at mapasigurong balanse ang bubuo ng BIDA Board.

Sa ilalim ng draft bill, ang BIDA ang gagawa ng mga polisiya, plano, programa at proyekto para sa rehabilitasyon, preserbasyon at pagpapaunlad sa Boracay.

Kasama sa tinalakay ang panukalang pagbuo ng Boracay Island Council o HB 4175 ni Aklan 2nd District Rep. Teodorico Haresco, at BIDA bill version o HB 7256 ni 1st District Rep. Carlito Marquez.