KALIBO, Aklan—Ipinagmalaki ng Malay-Boracay Tourism Office ang muling pagkilala sa isla ng Boracay bilang Best of the Best Beaches in Asia ng TripAdvisor, isang online travel and leisure platform na kumikilatis at kumikilala sa mga magandang komento ng mga dayuang turista mula sa iba’t ibang bansa sa buong mundo.
Sa interview ng Bombo Radyo, sinabi ni Kathrine Licerio, tagapagsalita ng tanggapan, ang nasabing parangal ay hindi lamang para sa bayan ng Malay, lalawigan ng Aklan kundi maging ng buong Pilipinas dahil tanging ang Boracay lamang ang nakapasok sa Top 10 na nakaranggo sa ika anim na pwesto sa Travelers’ Choice Awards 2026.
Nanguna rito ang Banana Beach sa Thailand; sumunod ang Kalingking Beach sa Indonesia; Radhanagar Beach at Palolem Beach sa India; Mirissa Beach sa Sri Lanka; pang anim ang Boracay Beach sa Pilipinas; ika-pito ang Bentota Beach sa Sri Lanka; Railey Beach sa Thailand; Nusa Dua Beach sa Indonesia at Cenang Beach sa Malaysia.
Dagdag pa ni Licerio, ang nasabing pagkilala ay patunay na nangunguna parin ang Boracay sa mga destinasyon na nais mapuntahan ng mga turista sa kabila ng mga hamon sa sektor ng turismo.
Umaasa sila na magpapatuloy ang magandang impression ng mga dayuhang turista sa tanyag na isla lalo na sa nalalapit na summer season.
















