-- Advertisements --

Isinara ng Malaysia ang mga paaralan sa capital na Kuala Lumpur at sa limang karatig na estado matapos umabot sa delikadong lebel ang polusyon sa hangin dahil sa makapal na usok mula sa forest fires sa Indonesia.

Apektado ng nasabing utos ang humigit-kumulang dalawang milyong mag-aaral matapos pumalo sa 170 ang Air Pollutant Index (API) sa Kuala Lumpur, habang umabot naman sa “very unhealthy” ang kalidad ng hangin sa kalapit na bansang Singapore.

Ipinag-utos ni King Sultan Ibrahim na awtomatikong isara ang mga paaralan kapag lumampas sa 150 ang API reading upang maprotektahan ang kalusugan ng mga kabataan at vulnerable sectors mula sa lumalalang haze.

Inihayag ni Malaysian Prime Minister Anwar Ibrahim na nakipag-ugnayan na siya kay Indonesian President Prabowo Subianto para sa kaukulang aksyon at humiling na rin ng emergency meeting sa mga environment minister ng ASEAN.

Naisagawa na rin ang cloud seeding operations upang magdulot ng ulan, habang patuloy na binabantayan ng mga awtoridad ang krisis sa kalusugan kung saan mahigit 170,000 kaso na ng respiratory infection ang naitala dahil sa mga malawakang sunog na sumunog sa humigit-kumulang 200,000 ektarya ng kagubatan sa Indonesia.