Ipinaliwanag ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez na posibleng idaan sa bilateral discussion ang gagawing procurement ng Pilipinas sa COVID-19 vaccine kasama ang bansa na panggagalingan ng nasabing gamot.
Ayon kay Lopez, maraming paraan upang makakuha ang bansa ng supply ng bakuna at isa na rito ang bilateral discussion sa pagitan ng mga gobyerno.
Una nang pinagdudahan nina Senate President Pro Tempore Ralph Recto at Senator Franklin Drilon ang kakayahan ng Philippine International Trading Corporation (PITC) na makapag-deliver kaagad ng COVID-19 vaccines.
Sinabi ni Recto na hindi raw mapagkakatiwalaan ang PITC pagdating sa deliveries dahil mismong ang mga equipment para sa Philippine National Police (PNP) at Bureau of Fire Protection (BFP) ay ilang beses na raw nabulilyaso.
Pagtatanggol naman ni Lopez na mayroon na silang binabalangkas na procurement scheme para mas maging epektibo ang pag-deliver nito ng bakuna.
Bukod sa PITC, maaari ring bumili ang gobyerno ng bakuna sa pamamagitan ng Procurement Service ng Department of Budget and Management (DBM).