-- Advertisements --

Nanawagan ang ilang labor groups nitong Linggo na magbitiw sa puwesto si Baguio City Mayor Benjamin Magalong matapos siyang italaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang special adviser at investigator ng bagong tatag na Independent Commission for Infrastructure (ICI) na tututok sa mga kasong may kinalaman sa korupsiyon sa mga proyektong pang-imprastruktura ng gobyerno sa nakalipas na 10-tao

Ayon sa Nagkaisa Labor Coalition, bagama’t kinikilala nila ang integridad at dedikasyon ni Magalong, hindi dapat sabay ang kanyang tungkulin bilang alkalde at ang pagiging imbestigador ng ICI.

Dagdag pa ng grupo na maaaring manatili bilang adviser o full-time investigator si Magalong kung kaya’t dapat magbitiw ito bilang alkalde.

Binanggit pa ng grupo ang Section 7, Article IX-B ng 1987 Constitution, na nagbabawal sa mga halal na opisyal na maitalaga sa ibang posisyon sa gobyerno habang nasa termino. Pinatibay ito ng Korte Suprema sa kasong Flores v. Drilon (1993).

Wala pang tugon si Magalong sa panawagan, ngunit sa isang pahayag noong Sabado, sinabi niyang mananatili siya bilang alkalde ng Baguio City habang tutulong sa ICI.

Ayon sa kanyang kampo, hindi siya magiging miyembro ng komisyon, kundi magsusumite lamang ng ebidensya at dokumentong makokolekta niya bilang bahagi ng kanyang imbestigasyon.

Maalalang una nang inanunsyo ng Malacañang ang unang dalawang miyembro ng ICI na sina dating DPWH Secretary Rogelio “Babes” Singson at Rossana Fajardo ng auditing firm na SGV. Ang ikatlong miyembro, na siyang magiging chairman ng komisyon, ay ihahayag sa mga susunod na araw.

Samantala, kinuwestiyon naman ni Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, na isa sa mga sinasangkot sa anumalya sa flood control controversy, ang pagiging patas ni Magalong, matapos umano itong magbigay ng pahayag sa media laban sa kanya.