Sinisimulan na ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang asset recovery o ang pagbawi ng mga ari-arian ng mga sangkot at maibalik ang pera sa taumbayan sa pamamagitan ng mga civil at administrative remedies.
Ayon kay ICI Spox Brian Keith Hosaka, isa sa mga hakbang ng asset recovery ay ang pag-freeze na ng nasa 2,800 bank accounts ng ilang opisyal na nagkakahalaga ng nasa halos Php 5B, ayon sa ulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Kasabay nito, ipasusubasta na rin sa mga susunod na linggo ang 13 luxury cars ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya matapos matuklasan ng Bureau of Customs (BOC) na kulang ang mga dokumento ng mga mamahaling sasakyan. Ang makukuhang kita ay ilalaan sa pamahalaan upang magamit pa sa ibang proyekto na makakatulong sa mga Pilipino. Ayon kay Hosaka, hinihintay na lamang ng BOC ang approval mula sa Department of Finance bago isagawa ang auction.
Kaugnay nito, napag-usapan din sa naging asset recovery meeting ng ICI katuwang ang ilang ahensya ng pamahalaan na bubuo rin ng technical working group para sa pagbabawi ng mga ninakaw na pera upang mapahusay ang koordinasyon at legal na proseso sa pagbawi ng mga pondong nakuha mula sa mga maanomalyang proyekto.