Sa kabila ng pagpabor ng maraming kongresista na muling buhayin ang Quad Committee ng Kamara de Representantes, nanindigan si Bukidnon Representative Keith Flores na kailangang pakinggan muna ang boses ng mayorya kung nais ba ng mga ito na ibalik ang makapangyarihang komite.
Ayon kay Flores, ang QuadComm ay binuo ng 19th Congress at otomatiko nang nagtapos sa pagpasok ng 20th Congress.
Si Flores ang bagong uupo bilang chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, ang komite na dating pinamumunuan ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers.
Si Barbers ang nagsilbi bilang lead chair ng apat na pinagsama-samang komite.
Bagaman maraming nagawa aniya ang makapangyarihang komite, kailangan munang ikonsidera ang boses ng nakararaming mambabatas kung muling itatatag ang kolaborasyon ng apat na House Committee.
Samantala, bilang bagong House Dangerous Drugs Committee chair, naniniwala si Rep. Flores na matatag ang kampaniya ng kasalukuyang administrasyon laban sa iligal na droga.
Katwiran ng kongresista, natutunton ang mga malalaking supplier, tulad ng mga nasasabat kamakailan sa mga serye ng police operation.
Inirekomenda rin ng mamababatas na tutukan ng pulisya na maliban sa mga supplier at mga malalaking drug personalities ay tutukan din ng mga ito ang mga street-level drug personalities na aniya’y sangkot sa drug retailing.