Hindi hihinto ang mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency sa paghahabol sa mga indibidwal o grupo na sangkot sa pagpapakalat ng black cigarette o kilala sa tawag na ” Tuklaw.”
Ginawa ng ahensya ang pagtitiyak sa ginanap na pagdinig ng House Committee on Dangerous Drugs matapos na mausisa ni Las Pinas Rep. Mark Santos.
Natanong kasi ng mambabatas kung ano na ang mga ginagawa ngayon ng mga otoridad na kaukulang aksyon sa mga video na kumalat online kung saan makikita ang pangingisay ng ilang indibidwal an sinasabing nakatikim ng black cigarette.
Ayon kay PDEA Director General Isagani Nerez, nakaalerto na ang mga awtoridad at nagsasagawa na ng crackdown laban sa pinagmulan ng “tuklaw.”
Sa pagsusuri nila ng Dangerous Drugs Board, natukoy na ang “tuklaw” ay naglalaman ng dahon ng tabako na may 9% nikotina, mas mataas kaysa sa karaniwang sigarilyo sa Pilipinas (1.5% hanggang 3%), at synthetic cannabinoid.
Ipinagbawal ang substance na ito bilang isang mapanganib na droga noong 2023.
Dahil dito, maaaring arestuhin ang sinumang mahuli na nagtataglay o gumagamit nito.