Matagumpay na nakumpiska ng mga Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) ang droga na nagkakahalaga ang tinatayang P6.8-bilyon sa lalawigan ng Pangasinan.
Isinagawa ang operasyon sa pamamagitan ng pagsilbi ng search warrant sa isang bodega na matatagpuan sa Barangay Laois, Labrador sa lalawigan ng Pangasinan nitong gabi ng Oktubre 3.
Tumambad sa mga otoridad ang mahigit 900 na plastic tea bag na naglalaman ng hinihinalang shabu kung saan bawat isang pakete ay tumitimbang ng isang kilo.
Sa kabuuan ay aabot sa mahigit 900 kilos na mga ipinagbabawal na droga ang nakumpiska sa nasabing lugar.
Walang naabutan ang mga otoridad na personalidad sa loob ng bodega noong kanilang salakayin ito.
Ayon sa PDEA na isa lamang itong follow-up operation sa nahuli nilang dalawang indibidwal na nakuhanan ng mahigit P800-M halaga ng droga sa bayan ng Bugallon sa lalawigan ng Pangasinan nitong Huwebes, Oktubre 2.
Patuloy pa rin na pinaghahanap ng mga otoridad ang mga suspek na nasa likod ng bentahan ng iligal na droga sa lalawigan ng Pangasinan.