Pinangunahan ng mga Local Government Unit (LGU) ang ikalawang Philippine Energy Transition Dialogue 2025, na ginanap nitong Disyembre 3 at 4 sa Quezon City, kung saan layunin nitong i-assess ang transition ng bansa sa ‘Renewable Energy (RE).’
Mahigit 120 kinatawan mula sa pamahalaan, at civil society organizations ang lumahok sa talakayan na may temang “Localizing the Energy Transition: Ensuring Energy Security and Resilience through Renewable Development.”
Tinalakay rin ang mga hakbang upang mapabilis ang permitting process, pati na ang pagpapalawak ng kaalaman tungkol sa programa upang matiyak na patas na makikinabang ang bawat Pilipino.
Binigyang-diin ni Department of Energy Undersecretary ng Renewable Energy Management Bureau Mylene Capongcol ang kahalagahan ng mga dialogo sa pagpapabilis ng transitions ng bansa sa malinis, abot-kaya, at ligtas na kuryente at nangakong susuportahan ng DOE ang LGUs sa pamamagitan ng Green Energy Auction Program at mobile energy systems.
Nagbahagi rin ng kanilang karanasan sa RE adoption ang mga opisyal mula sa Iloilo, Leyte, Eastern Samar, Ilocos Norte, Butuan, Quezon City, Guiuan, at Paranas.
Giit ng Institute for Climate and Sustainable Cities (ICSC) Executive Director Angelo Kairos dela Cruz, pinatutunayan ng mga LGU na ang RE ay susi sa climate resilience at inclusive development.
Tinalakay pa sa Dialogue ang international cooperation, local governance, at permitting processes, habang ang mga breakout session ay tumuon sa inobasyon, financing, microgrids, sectoral strategies, at community empowerment.
Binanggit din ni Palawan Rep. Jose Alvarez na maaaring bawasan ng RE ang pag-asa sa pandaigdigang fuel markets, habang sinabi ni CCC Secretary Robert Borje na may pagkakataon ang Pilipinas na pamunuan ang ASEAN sa 2026 sa pagtataguyod ng renewable energy.
Sa sidelines ng Dialogue, lumagda sa deklarasyon ang ilang lokal na opisyal mula Eastern Visayas upang suportahan ang just energy transition sa pamamagitan ng paggawa ng energy transition plans at RE ordinances.















