-- Advertisements --

Nasabat ng mga awtoridad ang mahigit P227 milyon halaga ng hinihinalang marijuana kush sa isang interdiction operation sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sa Pasay City nitong Linggo.

Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), naaresto ang dalawang pasahero —magkasintahan na kararating lang mula Thailand at dalawang airport loaders matapos matuklasang may anim na maleta silang dala na hindi dumaan sa X-ray scanner.

Sa pagsusuri ng CCTV, nakita na inilabas agad sa conveyor belt ang mga bagahe ng mga pasahero sa tulong ng dalawang airport loaders, sa halip na isailalim sa screening.

Gamit ang X-ray at K-9 units, nadiskubre ang higit 100 kilo ng marijuana kush sa loob ng mga maleta.

Kinilala ang babaeng pasahero bilang supervisor ng isang ride-hailing app, habang driver naman ang kanyang kasama. Ang dalawang loaders ay mga service provider lamang at hindi regular na empleyado ng NAIA.

Iniimbestigahan ngayon ng PDEA kung may koneksyon ang mga suspek sa isang mas malawak na sindikato, at nakikipag-ugnayan na rin sila sa mga dayuhang ahensya para matukoy kung paano naipuslit ang kontrabando palabas ng Thailand.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, partikular sa ilegal na pag-angkat ng droga.