-- Advertisements --

Iginiit ng Department of Justice na mananatiling wala sa loob ng kulungan ang dating senador at ngayo’y congresswoman-elect Leila De Lima dahil sa nakaraang kaso nito hinggil sa ilegal na droga.

Ito mismo ang binigyang linaw ng naturang kagawaran kung saan anila’y hindi magbabalik kulungan o mabibilanggo muli ang dating senador.

Kaugnay pa rin ito sa inilabas na desisyon ng Court of Appeals kamakailan nang kanilang i-void at ipawalang bisa ang naging hatol ng Muntinlupa Regional Trial Court, Branch 204 noon pang 2023.

Kinatigan kasi ng Court of Appeals ang ‘Petition for Certiorari’ ng Office of the Solicitor General na siyang kumwestyon sa ginawang hatol ng hukom na humawak sa drug case ni De Lima.

Paliwanag kasi sa dokumento na kanilang isinumite na nagkaroon daw ng’ grave abuse of discretion’ sa parte ng Regional Trial Court matapos ma-acquit ang dating senador.

Ngunit sa kabila nito, nauna ng pinabulaan ng Department of Justice na binaliktad ng Court of Appeals ang desisyong pagpapalaya kay Congresswoman-elect De Lima.

Kaya’t ayon naman mismo kay Justice Assistant Secretary at Spokesperson Mico Clavano, bingyang diin niya na mayroong tinatawag na ‘double jeopardy’ sa batas.

Kung saan nilinaw niyang hindi maaring makulong o mahatulan muli ang dating senador sa kapareho nitong kaso o kasalanan na siya namang kinaharap na ni Congresswoman-elect Leila De Lima.

Giit pa niya’y habol lamang rito ng Court of Appeals na mabigyang linaw ang ginawang ‘acquittal decision’ sa mga merito ng kaso.

“Also, good to point out another aspect na mayroon po tayong tinatawag na ‘double jeopardy’. So you cannot be charge anymore for the same crime especially if someone has already been a judge and acquitted in a case,” ani ASec. Mico Clavano, spokesperson ng Department of Justice (DOJ).

Matatandaan na nauna ng inihayag ng Department of Justice na ang mga pagbabagong ito sa kaso ni Former Senator Leila De Lima ay hindi nakasentro lamang sa kanya.

Kundi ito raw ay higit na pagkuwestyon sa hukom ng naturang Regional Trial Court sa Muntinlupa sa pag-absuelto sa dating senador.