Pinag-aaralan na umano ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang pag-recall na rin sa labor attachés sa Canada kasunod ng hidwaan ng dalawang bansa kaugnay sa tone-toneladang basura.

Una ng pinabalik ng bansa ni Foreign Affairs Sec. Teddyboy Locsin ang ambassador at consul ng Pilipinas sa Canada dahil sa kabiguan ng Canadian government na matupad ang May 15 deadline ni Pangulong Rodrigo Duterte para hakutin ang kanilang mga basura.

Sinabi ni Sec. Bello, kung hindi raw gaganda ang sitwasyon sa pagitan ng Pilipinas at Canada, ikokonsidera na rin nito ang pagpapauwi sa labor attaché na siyang namamahala sa POLO [Philippine Overseas Labor Office] office sa Vancouver at Toronto.

Ayon kay Sec. Bello, sa ngayon ay hindi pa apektado sa isyu ang mga overseas Filipino workers (OFWs) na pupunta o nasa Canada na.

Nasa mahigit 800,000 Filipino ang naninirahan at nagtatrabaho sa Canada.