-- Advertisements --

Inihayag ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na nakatakda siyang makipagpulong sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa darating na Lunes, Setyembre 15, upang talakayin ang posibleng pag-freeze at pagkumpiska ng mga ari-arian ng mga sangkot sa anomalya sa flood control projects.

Ayon kay Dizon, hindi sapat na makulong lamang ang mga responsable, ngunit dapat ding maibalik sa taumbayan ang perang ninakaw mula sa kaban ng bayan. Ang hakbang ay maaaring ipataw sa lahat ng indibidwal na nasampahan na o masasampahan pa ng kaso sa Office of the Ombudsman.

Samantala, tiniyak ni Dizon na handa silang tumulong sa itinatag na Independent Commission for Infrastructure. Ani ng kalihim, na-secure na nila ang lahat ng dokumento na maaaring kailangan ng komisyon sa pag-iimbestiga ng mga imprastraktura na ginawa ng kagawaran sa nakalipas ng 10 taon.

Sa ngayon, habang hindi pa nagsisimula ang independent commission, tuloy-tuloy pa rin ang ahensya sa pagpapanagot sa mga sangkot. Ani Dizon, hindi pa rin sila titigil sa paghahain ng mga kaso sa Office of the Ombudsman.

Dagdag pa ng kalihim, nakatakdang magsumite ang kagawaran ng ikalawang batch ng mga kasong kriminal laban sa mga opisyal at kontratistang sangkot umano sa iregularidad sa flood control projects sa Oriental Mindoro sa susunod na Miyerkules.

Matatandaang nitong Huwebes, Setyembre 11, ay nagsampa na si Dizon ng kaso laban sa 25 katao kaugnay ng mga maanomalyang proyekto sa Bulacan.