Lubhang nakababahala hindi lamang sa papalapit na May 2025 National and Local Elections kundi pati sa seguridad ng bansa ang pag-aresto kahapon sa umano’y Chinese spy malapit sa Commission on Elections (Comelec).
Ito ang sinabi ni Senadora Risa Hontiveros matapos arestuhin kahapon ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang Chinese national na may kagamitan ng pang-eespiya partikular ang International Mobile Subscriber Identity (IMSI) catcher kung saan nasasagap nito ang mga text message sa paligid.
Ayon kay Hontiveros, kung mapatutunayan na espiya nga ang nadakip na Chinese national, magkakaroon ito ng malalim na epekto sa ating relasyon sa China.
Pasaring ng senadora, nang-aangkin na ang China ng teritoryo pati ba naman halalan ng bansa ay nanghihimasok na rin.
Kaya naman sinabi ni Hontiveros na dapat maging mapagmatyag ang pamahalaan at huwag pabayaang maimpluwensyahan ng ang ating pulitika, pambansang seguridad, at demokrasya.
Iginiit naman ni Senate Special Committee on Maritime and Admiralty Zones Chairman Senador Francis Tolentino na totoo ang kanyang mga isiniwalat dahil hindi lamang ito ang unang pagkakataon na nakialam sa halalan ang China.
Patunay daw ang 194 page report mula sa parliament ng Canada kung saan nanghimasok din ang China sa kanilang halalan noong 2019 at 2021 dagdag pa dyan ang mga bansang Australia at New Zealand.
Samantala, sa pulong balitaan, nabahala rin si Senador Alan Peter Cayetano sa panghihimasok ng China sa eleksyon ng bansa.
Una, dahil may isyu tayo ng agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea at mas madali daw talaga ngayon makialam sa affairs ng ibang bansa dahil sa social media.