Kinumpirma ng Bureau of Immigration na nakalabas na ng bansa ang dating kalihim ng Department of Public Works and Highways na si Manuel Bonoan.
Ayon mismo sa eklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Immigration Spokesperson Dana Sandoval, kanyang ibinahagi na nakaalis na papalabas ng Pilipinas ang dating opisyal.
Ito’y kasabay sa hindi pa rin natatapos na imbestigasyon ukol sa flood control projects anomaly kung saan siya’y isa sa mga nasasangkot.
Pahayag ni Spokesperson Sandoval, ang paglipad ni former Secretary Bonoan ay may destinasyong patungo sa Estados Unidos via Taiwan.
Ngunit kanyang sinabi na patuloy nila itong minamanmanan o binabantayan ang lokasyon sa pagbyahe ng dating kalihim.
Buhat aniya ito nang isailalim ang naturang opisyal sa Immigration Lookout Bulletin Order na inisyu ng Department of Justice kamakailan.
Habang dagdag pa ni Spokesperson Dana Sandoval, nang makaharap aniya ng mga tauhan ng immigration ang dating kalihim, kadyat anila itong idinulog sa kagawaran.
Kung saan nilinaw ng Department of Justice na walang nakabinbin ‘hold departure order’ para pigilan makaalis si former Sec. Bonoan.
“We confirm that former Secretary Manny Bonoan departed this afternoon for the United States via Taiwan,” ani Spokesperson Dana Sandoval ng Bureau of Immigration.
“He is covered by an Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) earlier issued by the Department of Justice (DOJ). Upon encounter, immigration officers immediately coordinated with the DOJ to verify if a hold departure order or warrant of arrest was in effect. The DOJ confirmed that none exists hence he was cleared to depart,” dagdag pa ni Spokesperson Sandoval.
Ayon naman sa Department of Justice, wala pang kautusang legal nagsasabi para hindi pahintulutan makalabas ng bansa ang dating kalihim.
Batay sa impormasyon, ang pag-alis anila ni Bonoan ay para samahan ang kanyang asawa sa isasagawang ‘medical procedure’ sa bansang Amerika.
Ibinahagi ng kagawaran na tatagal sa labas ng bansa ang dating opisyal hanggang sa ika-17 pa ng susunod na buwan o ng Disyembre.
Maalalang ang naturang dating opisyal ay nagbitiw mula sa kanyang pwesto bilang kalihim ng Department of Public Works and Highways noong Agosto.
Nasasangkot sa kasalukuyan ang kanyang ngalan sa kontrobersyal at mga palpak na flood control projects sa bansa.
Isa rin siya sa mga inirerekumendang mapakasuhan ng Independent Commission for Infrastructure o ICI sa Office of the Ombudsman.
Pinakakasuhan siya ng reklamong kriminal at administratibo kasama ilan pang opisyal ng kagawaran kaugnay sa flood control project sa Bulacan.
Ngunit sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na hold departure order upang ito’y mapabalik at mapagbawalan ng makalabas pa ng bansa.
















