Itinuturing ngayon ng mga boxing analysts si Pinoy ring icon Sen. Manny Pacquiao bilang kauna-unahan at natatanging boksingero sa kasaysayan na naging kampeon sa apat na magkakaibang dekada.

Sa pagpasok ng bagong dekada, hawak ni Pacquiao ang WBA welterweight title na kanyang naagaw sa mas batang si Keith Thurman noong Hulyo 2019.

Magugunitang naging pro si Pacquiao noong 1995 at nasungkit ang kanyang unang titulo sa edad na 19-anyos noong 1998 nang ma-knockout nito si WBC flyweight champion Chatchai Sasakul ng Thailand sa ikawalong round.

Pagsapit ng 2001, dinomina ng Fighting Senator si South African champion Lehlohonolo Ledwaba para sa IBF super bantamweight title, at nakadagit din ng iba pang mga titulo sa iba’t ibang weight divisions sa naturang dekada.

Noon namang 2010s, napasakamay ni Pacman ang WBC junior middleweight title maging ang WBO at WBA welterweight titles.

Sa ngayon, pinag-uusapan na ng kampo ni Sen. Pacquiao kung sino ang susunod nitong kakalabanin sa ibabaw ng ring.

Ilan sa mga matunog na pangalan si dating two-division world champion Danny Garcia, at ang kanyang dating mahigpit na karibal na si Floyd Mayweather Jr.