-- Advertisements --

Magtatalaga at ipapakalat sa buong bansa ng Philippine National Police (PNP) ang higit sa 11,949 na kapulisan para sa seguridad sa mismong araw ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa darating na Hulyo 28.

Sa isang pulong balitaan sa Kampo Krame, kinumpirma ni PNP Spokesperson PBGen. Jean Fajarado na nagpatawag ng isang command conference ang hepe ng Pambansang Pulisya na siyang dinaluhan ng mga regional directors partikular na ang regional director mula sa National Capital Region Police Office (NCRPO) upang talakayin ang magiging deployment sa araw ng SONA ng Pangulo.

Pagkatapos naman nito ay magsasagawa rin ng isang coordinating conference ang PNP kasama naman ang panig ng Office of the Sergeant-at-Arms ng House of Representatives para naman maplantsa na ang ilang mga security protocols na ipapatupad sa loob o labas man ng Batasan.

Kasunod naman nito ay ipapatupad din ang Manila Shield kung saan magbibigay ng karagdagang tulong ang mga kapulisna mula sa Police REgional Office III at Police Regional Office 4A para naman bantayan at magpatupad ng border controls sa hangganan ng bansa.

Posible din aniya na magkaroon pa ng mga minimal na adjustments asa magiging kabuuang deployment sa mismong araw ng SONA kung saan maaari ring magamit ang mga reserve forces ng bansa upang matiyak ang kaligtasan at kaayusan sa araw na iyon.

Samantala, sa kasalukuyan ay wala pang natatanggap na application ang Quezon City Police District (QCPD) para naman sa pagrerequest ng permit to rally sa mismong araw ng SONA.

Isa aniya ito sa mga napagusapan na sa naging command conference para sa SONA at kasalukuyan nang nakikipagugnayan ang kapulisan sa mga grupo na normal nang nagsasagawa ang kanilang mga rallies upang matiyak na magiging maayos ang ikakasa nilang mga programa.

Ang mga programa naman na balak isagawa ng mga militanteng grupo ay papayagan na lamang hanggang sa may bahagi ng Tandang Sora.

Sa kasalukuyan, inaasahan na matapos ang mga coordinating conference sa pagitan ng PNP at ng Office of the Sergeant-at-Arms at susunod nang makikipagugnayan ang Pambansang Pulisya sa mga grupong magkakasa ng kanilang mga programa at kilos-protesta para naman sa briefing kung saan lamang sila papayagang magkasa ng kanilang mga rally.