-- Advertisements --

Labis ang kasabikan ni Olympic bronze medalist Eumir Marcial na mapabilang sa undercard fight ni Manny Pacquiao kay Mario Barrios.

Makakaharap ng 29-anyos na si Marcial ang 30-anyos na si Alexis Gaytan ng US para sa middleweight non-title fight sa darating na Hunyo 19 sa MGM Grand sa Las Vegas.

Ayon kay Marcial na mula pa noon ay kaniyang iniidolo si Pacquiao.

Naging ehemplo aniya nito ang pambansang kamao sa pagsisimula ng kaniyang boxing career.

Ang nasabing laban ay bilang katuparan ng kaniyang pangarap dahil noon pa man ay pangarap niyang lumaban kasabay ang boxing icon na si Pacquiao.

Magugunitang nagkamit ng bronze medal si Marcial noong 2021 Tokyo Olympics.

Bilang professional boxer ay mayroon na itong limang panalo at wala pang talo kung saan huling lumaban ito sa professional career noong Marso 2023 noong patumbahin si Thoedsak Sinam ng Thailand sa ikaapat na round.

Habang ang American boxer na si Gaytan ay mayroong 17 panalo at 10 talo na mayroong anim na knockouts.