-- Advertisements --

Nakikitang makakatulong para patunayan na kailangang payagan ang interim release ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang findings ng Senate Committee on Foreign Relations na pinamunuan ni Sen. Imee Marcos na nag-imbestiga sa umano’y iligal na pag-aresto sa dating Pangulo patungo sa The Hague, Netherlands.

Ipinaliwanag ng defense lead counsel ng dating Pangulo na si Nicholas Kaufman na kayang ma-counter ng committee report ang argumento ng prosekusyon ng International Criminal Court (ICC) na nagpapakita ng pagiging flight risk umano ng dating pangulo dahil sa mga pagkwestyon nito sa hurisdiksiyon ng ICC.

Matatandaan na sa 10 pahinang dokumento na isinumite sa ICC Pre-Trial Chamber I noong nakalipas na taon, hiniling ng kampo ng dating pangulo na payagan silang maghain ng tugon sa argumento ng prosekusyon laban sa aplikasyon para sa interim release.

Ikinatwiran ng defense team na ang pagtanggi ng dating pangulo na sumuko sa isang “unconstitional” na pag-aresto at claim ng kaniyang legal team na “extraordinary rendition” ay hindi dapat gamitin laban sa kaniyang kahilingan para sa interim release dahil inilatag aniya sa report ng Senate Committee ang “domestic unlawfulness” ng pag-aresto sa dating Pangulo.

Kaugnay nito, hiniling din ng defense team na maisumite ang committee findings at opisyal na isama sa rekord para mabalanse ang “factual gossip” na iprinisenta ng Prosekusyon na hindi aniya nagmula sa maayos na imbestigasyon kundi mula sa mga pahayagan.

Matatandaan, base sa findings ng Senate committee na inilathala sa website ng Senado, nakasaad na maaaring nakagawa ng criminal at administrative offenses ang matataas na opisyal ng gobyerno sa pag-aresto sa dating Pangulo noong Marso 11 at dinala sa parehong araw patungong The Hague, Netherlands.