Dismayado umano si Floyd Mayweather Jr na hinahabol pa rin hanggang ngayon ng mga dekalibreng boksingero si eight-division world champion Sen. Manny Pacquiao.

Ayon kay Mayweather, dapat ay hindi na raw dapat pang pinapangarap at hinahabol ng mga top fighters si Pacquiao dahil masyado na raw itong matanda para sa boxing.

Matatandaang ilan sa mga interesadong makipagbakbakan sa WBA “super” welterweight champion ang mga world titlist na sina Errol Spence Jr at Terence Crawford; mga multiple division champion na sina Mikey Garcia at Danny Garcia; maging mga dating kampeon na sin Shawn Porter at Amir Khan.

Pero inihayag ni Mayweather, dapat sila-sila na lamang daw ang magharapan.

“Stop chasing this old man. If the opportunity presents itself, go out and do what you got to do. Let Manny Pacquiao pick and choose who he wants to fight. With everything he has accomplished, hopefully, he’s made some smart investments,” wika ni Mayweather.

Una rito, batay sa orihinal na plano ni Pacquiao bago ang coronavirus pandemic, nais nitong magkaroon ng dalawang laban ngayong taon at isa pa sa 2021.

Nasa priority list daw ni Pacquiao sina Mayweather, at si MMA superstar Conor McGregor.