Humataw si Domantas Sabonis na kumamada ng 20 points at 11 rebounds upang pangunahan ang Indiana Pacers kontra Portland Trail Blazers, 106-100.

Hindi rin nagpaawat si Malcolm Brogdon na bumuslo ng 17 points, gayundin sina T.J. Warren at Victor Oladipo na kapwa may tig-15 puntos.

Kumubra naman ng 28 points si CJ McCollum, may 20 points si Gary Trent Jr., at si Hassan Whiteside na umiskor ng 18 points at 16 rebounds upang balikatin ang Trail Blazers.

Nagawang masupil ng Pacers ang pagtatangka ng Blazers na makahabol sa huling bahagi ng laro, dahilan para matigil ang kanilang ive-game losing streak sa serye.

Umabot pa hanggang 14 ang lamang ng Indiana makaraang ipasok ni Warren ang kanyang fadeaway jumper at ibigay sa Pacers ang 96-82 abanse sa huling 6:12.

Matapos nito ay naghulog ng 18-7 bomba ang Blazers para matapyasan ang lamang ng kalaban.

Makaraang nagpakawala ng jumper si Brogdon upang itala ng Indiana ang 103-93 abanse sa natitirang 1:54, sumagot ng pitong magkakasunod na puntos ang Portland.

Pumukol ng 3-pointer si Myles Turner sa nalalabing siyam na segundo upang selyuhan ang panalo ng Pacers.