-- Advertisements --

Aminado si Oklahoma City Thunder star Shai Gilgeous-Alexander na hindi naging maganda ang kabuuang inilaro ng koponan sa Game 6, kayat nilasap ang 19-point loss sa kamay ng Indiana Pacers.

Sa postgame interview kay Shai matapos ang Game 6, sinabi niyang hindi siya kuntento sa performance niya at ng mga kapwa Thunder player, ngunit sinigurong magsisilbi itong lesson sa pagsabak nila sa Game 7.

Hindi rin maitago ng Thunder guard ang paghanga sa naging performance ng Pacers dahil sa mistulang bigla na lamang aniyang ibinaliktad ng buong koponan hanggang tambakan ng mahigit 20 points.

Bagaman hindi ginawa ng Pacers ang full-court pressure tulad ng dati nilang ginagawa sa mga nakalipas na laban, naging matagumpay aniya ang kalaban na dominahin ang depensa at opensa sa kabila ng naging kasagutan ng Thunder.

Giit ng 3-time All-Star, dapat nilang mabantayan ito sa Game 7 upang tuluyang ibulsa ang championship trophy.

Sa pagpasok ng winner-take-all game, kampante si Shai na gagawin nilang lahat ang makakaya upang tuluyang maiuwi ang championship trophy.

Ang maipanalo ang naturang game aniya ang pinaka-aasam ng bawat NBA player kaya’t tiyak umanong ibubuhos ng buong koponan ang team effort para sa positibong resulta.