Iniulat ni Interior Sec. Eduardo Año na mahigit P8.16 billion halaga ng shabu na ang kanilang nasisira alinsunod sa naging direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang linggo.
Magugunitang noong nakaraang linggo, iniutos ni Pangulong Duterte sa mga kinauukulang ahensya na sirain ang mga naimbak ng iligal na drogang nakumpiska dahil ibinabalik ito ng mga tiwaling custodian sa kamay ng mga drug dealers.
Sinabi ni Sec. Año, sa katunayan ay sinimulan nila ang pagsira sa mga ebidensyang iligal na droga noon pang Agosto 21, bago pa man ang kautusan ni Pangulong Duterte.
Ayon kay Sec. Año, ang Philippine National Police (PNP) ay nakasira na ng kabuuang 120 kilos o 1.2 tonelada ng shabu habang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ay nakasira na ng 600 kilos.
Inihayag ng opisyal na na ngayong araw ng Huwebes ay nasa humigit-kumulang na 369.69 kilos ng shabu ang sisirain ng PNP habang hinihintay pa nila ang court order para isunod ang natitirang 700 kilos.
“So lahat po ito, Mr. President, sisiguraduhin namin ma-destroy para unang-una hindi na mare-recycle ito at mawala na ang supply dito sa market,” ani Sec. Año.