-- Advertisements --

Malapit nang mawaksan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang dekada ng insurhensiya sa Pilipinas.

Ito ang inihayag ni AFP chief Ge. Romeo Brawner Jr. sa kaniyang naging mensahe kasabay ng kaniyang pagbisita sa 203rd Infantry Brigade sa Oriental Mindoro, kahapon, Agosto 14.

Kung saan binigyang pagkilala ng AFP chief ang katapangan at paninindigan ng mga tropang sundalo na nakipagsagupa kamakailan sa engkwentro laban sa mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa probinsiya.

Ayon kay Gen. Brawner, nakatakdang lagdaan ang isang kasunduan na siyang tutuldok sa insurhensiya sa bansa.

Naglalaman aniya ito ng kasunduan para itigil na ng NPA ang kanilang armadong pakikipaglaban para sa inaasam na kapayapaan.

Ipinagmalaki din ng AFP chief ang pagsuko ng 189 rebelde at miyembro ng NPA at pagkakasamsam ng mga armas sa Uson, Masbate noong Agosto 8 ng kasalukuyang taon.