-- Advertisements --

Posibleng maipit ang pondo ng Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa 2026 kung hindi matutugunan ng mga ahensya ang paulit-ulit na kaso ng pagmamaltrato sa mga overseas Filipino workers (OFW).

Sa pagdinig ng Senate Committee on Migrant Workers ngayong Miyerkules, sinabi ni Senate Committee on Migrant Workers Chairman, Senador Raffy Tulfo, tatablahin niya ang pondo ng mga ahensyang ito kung hindi maaayos at matutuldukan ang problema ng pang-aabuso sa ating mga kababayan sa ibang bansa.

Nakalulungkot aniya na bagama’t itinuturing na makabagong bayani ang mga OFW, tila napapabayaan ang kanilang kapakanan.

Hanggang ngayon, patuloy pa rin umanong dumarating sa kanyang tanggapan ang mga reklamo hinggil sa pang-aabuso sa mga OFW, lalo na sa Middle East.

Ayon pa kay Tulfo, kung ang mga OFW ay dumadaan sa masusing pagsusuri bago maipadala sa ibang bansa, dapat ding magkaroon ng screening sa kanilang magiging amo.

Aniya, kailangang maberipika kung nasa maayos na pag-iisip ang employer at kung mayroon itong malinis na rekord.

Pinatitiyak din ng senador sa DMW at OWWA na magkaroon ng annual check-up sa mga OFW sa kanilang host country upang masiguro na nasa maayos silang kalagayan.