-- Advertisements --

Magiging epektibo na ang Reciprocal Access Agreement (RAA) sa pagitan ng Pilipinas at Japan sa Setyembre 11 ng kasalukuyang taon.

Ito ay kasunod ng formal exchange notes sa military deal sa pagitan nina Foreign Affairs Secretary Maria Theresa Lazaro at Ambassador of Japan to the Philippines Endo Kazuya sa isinagawang seremoniya nitong Martes.

Inaasahan na mapapalalim pa ng naturang military deal ang bilateral defense at security cooperation sa pagitan ng dalawang bansa.

Kung saan sa ilalim ng RAA, papahintulutan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Japan Self-Defense Forces na magsagawa ng joint training exercises sa teritoryo ng bawat isa, magpalitan ng pinakamahusay na mga kasanayan, at mahasa pa ang interoperability.

Nilinaw naman ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., na sinaksihan ang makasaysayang event, na hindi ito nakadirekta laban sa anumang bansa kundi magsisilbi aniya itong deterrence para sa mga hindi kaisa sa ating pinapahalagahan.

Sinabi din ng kalihim na ang pagpapatupad ng RAA ay isang logical at kinakailangang hakbang tungo sa pangmatagalan at makabuluhang kasaysayan ng relasyon ng PH at Japan.

Binigyang diin din ng Defense chief na pinaiiral ng kasunduan ang commitment ng dalawang bansa para sa kapayapaan at katatagan sa Indo-Pacific Region.