-- Advertisements --

Sisimulan na ngayong araw ng Lunes August 18,2025 ng Kamara de Representantes ang pagdinig kaugnay ng panukalang P6.793-trilyong national budget para sa susunod na taon na isinumite ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa Kongreso.

Sa unang pormal na pagpupulong, tatanggap ang House Committee on Appropriations ng briefing mula sa mga miyembro ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) hinggil sa kalagayan ng ekonomiya ng bansa at mga macro-economic assumptions na ginamit ng administrasyon sa pagbubuo ng panukalang budget para sa 2026, na kilala bilang National Expenditure Program (NEP).

Inaasahang sasalubungin ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang mga miyembro ng DBCC sa pagdinig ng Kamara na pangungunahan ng chairperson ng appropriations panel na si Nueva Ecija Rep. Mikaela Angela “Mika” Suansing.

Magsasagawa ng briefing sina Budget Secretary Amenah Pangandaman, Economic Planning Secretary Arsenio Balisacan Jr., Finance Secretary Ralph Recto, at Bangko Sentral ng Pilipinas Gov. Eli Remolona Jr.

Muling iginiit naman ni Speaker Romualdez ang kanyang pangako na magiging transparent at inclusive ang mga deliberasyon sa budget, at susunod ito sa mga repormang ipinatutupad ng Kamara sa proseso ng pagpasa at implementasyon ng pambansang budget.

Sinabi pa niya na ang NEP ay repleksiyon din ng spending priorities ni Pangulong Marcos para sa Bagong Pilipinas.

Una ng ibinunyag ni Speaker Romualdez, ang mga budget reform na inisyatibo ng Kamara para sa budget deliberation.