Ibinulgar ni dating CIDG chief at ngayon ay Baguio City mayor Benjamin Magalong sa nagpapatuloy na Senate Blue Ribbon Committee hearing ang nasa 200 kilo o nasa P648 million halaga ng shabu ang itinago at hindi umano idineklara ng Pampanga Anti-Illegal Drugs Operations Task Group (PAIDSOTG) sa isinagawang drug nraid ng Woodbridge Subdivision sa Mexico, Pampanga noong Nobyembre 29, 2013.
Sinabi ni Mayor Magalong na inatasan siya noon ni dating PNP Chief Alan Purisima na imbestigahan ang nangyaring raid dahil batay sa report ng mga operatiba, may nakuhang 38 kilo ng shabu sa raid pero makalipas ang isang buwan, biglang nagkaroon ng magagandang sasakyan ang mga nagsagawa ng operasyon.
Ayon kay Magalong, lumalabas sa kanilang isinagawang crime scene re-enactment at testimonya ng mga barangay officials at guwardiya ng subdibisyon na nasa mahigit-kumulang 200 kilo ng shabu ang nakumpiska sa raid.
Maliban pa daw sa bulto-bultong mga shabu, may isang kahon din daw na cash mula sa crime scene.
Napag-alaman din daw nina Magalong na naaresto ng mga operatiba ang suspek na si Johnson Lee pero ibang Chinese national ang iniharap at kinilalang si Ding Wenkun.
Nang malaman daw ni Region 3 PNP Regional Director Gen. Raul D. Petrasanta ang ginagawang imbestigasyon ng CIDG, agad nitong ni-relieve si Pampanga Provincial Director at ngayon ay PNP Chief Oscar Albayalde habang kinasuhan ang mga sangkot sa operasyon na kinabibilangan Major Rodney Raymund Baloyo, hepe ng Pampanga Intelligence Branch; Senior Inspector Joven de Guzman Jr., dating head ng Pampanga Anti-Illegal Drugs Operations Task Group (PAIDSOTG); at 11 pang police personnel.