Inaprubahan na ng Senado ang panukalang P6.793 trilyong national budget para sa 2026 sa botong 17 senador na pabor at walang abstention.
Ang paghimay dito ay pinangunahan ni Senate Finance Committee Chairman Sherwin Gatchalian.
Ang panukala ay nakapaloob sa House Bill No. 4058 o General Appropriations Act of 2026 na layong pondohan ang mga pangunahing programa ng pamahalaan.
Kapwa naaprubahan na ng Kamara at Senado ang kani-kanilang bersyon ng pambansang budget kaya’t nakatakda ang bicameral conference committee mula Disyembre 11 hanggang 13 upang pag-isahin ang mga probisyon.
Matapos ang bicam, ibabalik ang reconciled budget bill sa dalawang kapulungan para sa ratipikasyon. Kapag naratipikahan, isusumite ito kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para lagdaan bago matapos ang taon.
Ang budget ay nakalaan para sa imprastruktura, edukasyon, kalusugan, depensa, at climate resilience programs.
Nanatili rin ang halos P175 bilyong unprogrammed funds na binatikos ng ilang senador dahil sa kakulangan ng malinaw na pondo.
Sa kabuuan, ito ang pinakamalaking pambansang badyet sa kasaysayan ng Pilipinas na layong suportahan ang paglago ng ekonomiya at serbisyong panlipunan. (Bombo JC Galvez)
















