-- Advertisements --

Pormal nang isasalang sa General Court Martial si Colonel Audie Mongao matapos makitaan ng sapat na basehan ang mga ulat na binawi nito ang kanyang suporta kay Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr.

Sa isang press conference ngayong Lunes, kinumpirma ni Philippine Army Chief Lieutenant General Antonio Nafarrete na haharapin ni Mongao ang kasong paglabag sa Article 63 o ang Disrespect toward the President, Vice-President, National Assembly under the Articles of War.

Ayon kay Nafarrete, natapos na ang imbestigasyon sa Training Command at binubuo na ang lupon para sa paglilitis.

Dagdag pa ng heneral, malinaw na ang naging hakbang ni Mongao ay kawalan ng pagrespeto sa Articles of War.

Matatandaang sinibak si Mongao bilang commander ng Training Support Group matapos kumalat sa social media ang umano’y pahayag nito ng withdrawal of support sa Punong Ehekutibo.

Si Mongao ay itinuturing na senior officer na may mahigit tatlong dekadang serbisyo sa Hukbong Katihan.