Inihayag ni Senate President Pro Tempore Ping Lacson na ang dambuhalang cash delivery na natanggap ng mga sinibak na engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH), kabilang ang P457-milyong one-time delivery nitong Marso, ay maaaring magbunyag ng mas malalaking players sa kontrobersiya sa flood control projects.
Ayon kay Lacson, na namumuno sa Senate Blue Ribbon Committee, nakapagtataka kung bakit contractor ang nagdadala ng cash sa mga enginner ng DPWH, gayong normal ay DPWH ang nagbabayad sa contractor para sa proyekto.
Tinukoy niya ang mga cash delivery na ginawa ng Syms Construction owner na si Sally Santos kay sinibak na DPWH Bulacan engineer Brice Hernandez nang hindi bababa sa tatlong beses ngayong taon.
Aniya, posibleng binayaran si Santos para sa mga proyekto ng Syms Construction, ngunit ibinalik ang pera kay Hernandez, na ayon kay Lacson ay, “napakalaking anomalya.”
Sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee nitong Huwebes, inihayag ni Santos ang tatlong malalaking cash deliveries kay Hernandez ngayong taon:
- P457 milyon noong Marso 24
- P141 milyon noong Mayo 6
- P65 milyon noong Mayo 23
Dagdag ni Lacson, patuloy pa nilang tinutukoy kung paano hinati ang pera.
Binanggit din niya ang pagtanggi ni dating DPWH Bulacan district engineer Henry Alcantara na makipagtulungan bilang indikasyon na may pinoprotektahan ito.
Nagpahiwatig din si Lacson ng posibilidad na may insider sa Department of Budget and Management (DBM) na maaaring magrekomenda sa Pangulo ng pag-release ng unprogrammed funds, kasama na ang para sa flood control projects.
Ngunit binigyang-diin niya na ang ugat ng korapsyon ay nagmumula sa mga mambabatas na gumagawa ng insertions sa budget bill.
Ayon pa sa senador, hindi siya madi-distract sa imbestigasyon at gagabay lamang sa kanila ang ebidensya.