(Update) DAVAO CITY – May mga persons of interest na at may mga saksi na rin umanong hawak ngayon ang mga otoridad sa isang hold-up incident kung saan nasa P3.9 million ang natangay ng mga suspect mula sa isang negosyante na Chinese national.

Inihayag ni Col. Ferlu Selvio, provincial director ng Davao del Norte police provincial office, may sinusundan na silang lead sa krimen pero hindi muna umano nila ihahayag ang iba pang detalye dahil nagpapatuloy pa ang kanilang imbestigasyon.

Batay sa ulat, naganap ang panghoholdap habang pabalik na ng kanyang sasakyan ang biktima na si Liyan Pang, 46, may-ari ng Zaza Agri Ventures at residente ng Ladislawa Subdivision, Buhangin, Davao City.

Nanggaling umano si Pang kasama ang kanyang driver at cahier sa isang fastfood chain sa Panabo City nang lapitan ng dalawang armadong lalaki sakay sa motorsiklo at inagaw ang bag na may lamang malaking pera.

Hindi naman isinantabi ng mga otoridad ang posibilidad na inside job ang pangyayari.

Nanggaling umano sa pag-withdraw ng pera sa bangko ang biktima at kumain lang sandali sa naturang fastfood chain.