-- Advertisements --

Kinumpirma ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group na mayroong ilang Pilipino na natutong mang-scam dahil sa POGO ang nagpapatakbo na ng kanilang sariling online scam.

Ayon kay Philippine National Police Anti-Cybercrime Group Brig. Gen. Bernard Yan, ang mga ito ay nakakuha ng kanilang skills mula sa dati nitong pinagtrabahuhang POGO.

Aniya, sa ngayon ay hindi pa malinaw kung konektado ang kanilang mga kasalukuyang operasyon sa ilegal na operasyon ng POGO noon.

Marahil noong nagsara aniya ang mga POGO sa bansa ay saka lamang nila na isip na magsarili ng ilegal na aktibidad.

Hindi naman tinukoy ng opisyal kung ilan ang eksaktong bilang ng mga Pilipinong naaresto nila na nagsasagawa ng online scams habang sinabi nito na mayroon na silang pitong foreign nationals na naaresto para sa naturang uri ng krimen.

Una nang ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang total ban sa lahat ng operasyon ng POGO sa bansa matapos na mabunyag ang mga ilegal nitong aktibidad.

Mula December 2024 hanggang June 20, 2025, aabot na sa 608 indibidwal ang naaresto ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group para sa iba’t-ibang uri ng cybercrime habang aabot naman sa 116 na nahuli ang nahatulang nagkasala.