Nababahala ngayon ang United Nations (UN) migration agency sa pagdami ng mga taong naloloko at napipilitang magtrabaho sa mga scam compound o ilegal na online fraud centers sa ilang bahagi ng Asya.
Ayon sa International Organization for Migration (IOM), libu-libong tao mula sa mahigit 80 bansa ang umano’y nadadala sa mga ganitong operasyon matapos maakit ng pekeng job advertisements sa social media na nag-aalok ng mataas na sahod at magandang trabaho.
Matatagpuan ang ilan sa pinakamalalaking scam compound sa Myanmar, Cambodia, at Laos, kung saan tinatayang umaabot sa 300,000 manggagawa ang ginagamit para magsagawa ng online scams laban sa mga biktima, kabilang ang mga matatandang indibidwal sa west countries.
Ngunit ayon sa IOM, marami rin sa mga manggagawang ito ang biktima mismo ng human trafficking. Kapag nakarating na sila sa mga naturang lugar, kinukuha umano ang kanilang mga dokumento at pinipilit silang manloko online sa pamamagitan ng pagbabanta at pananakit.
Liban dito nakararanas din aniya ang mga biktima ng pang-aabuso, trauma, at malaking utang matapos mailigtas.
Dahil dito nanawagan ang IOM sa mga pamahalaan sa Asya na palakasin ang kanilang pagtugon laban sa mga sindikato.
















