LAOAG CITY – Isang panibagong tagumpay ang naitala ng Region 11 sa Palarong Pambansa matapos masungkit ni Mechelle Ann Gonato ang gintong medalya sa triple jump girls secondary category.
Ito na ang ikatlong gintong medalya ng Davao Region sa taunang palaro.
Emosyonal si Gonato sa kanyang pagkapanalo, aminado siyang hindi niya inaasahan ang tagumpay matapos ang lahat ng hirap na kanyang dinaanan sa mga nakaraang buwan ng matinding pagsasanay.
Ayon sa kanya, ito na ang ikatlong beses niyang sumali sa Palaro at ngayon lang niya nakuha ang inaasam na panalo.
Ibinahagi rin niya na ang kanyang ina ang nagsilbing inspirasyon niya sa laban, lalo na ngayong ito ay kakagaling pa lamang sa operasyon dahil sa bato sa kidney.
Bilang gantimpala sa kanyang tagumpay, maliban sa gold medal na makukuha sa palaro, inaasahang makatatanggap si Gonato ng P45,000 mula sa Region 11, P11,000 mula sa kanilang lokal na pamahalaan, at P10,000 mula sa kanyang paaralan.
Buong pusong sinabi ni Gonato na ibibigay niya ang lahat ng premyo sa kanyang ina bilang pasasalamat at tulong sa kanilang gastusin sa pagpapagamot.
Samantala, dalawang naunang gintong medalya rin ang nasungkit ng Davao Region sa larangan ng Chess elementary girls sa pamamagitan nina Hannah U. Segara at Alexie M. Timkang, at sa Table Tennis elementary boys team nina France Echo A. Apolonio, Estanlee B. Ceballos, Francis Carl M. Reyes, at Khrix Brylle G. Sagario.
Sa kasalukuyan, nasa ika-9 na puwesto ang Region 11 sa partial at unofficial na talaan ng medalya sa Palarong Pambansa 2025.
Patuloy ang pag-asa at dedikasyon ng mga atleta mula sa Davao Region na makapagdala pa ng karangalan sa kanilang rehiyon.