DOLE logo
-- Advertisements --

Aabot sa P4.6 billion halaga ng hindi nababayarang sahod sa nasa 9,000 OFWs na napilitang umuwi sa Pilipinas matapos matigil ang pagtanggap nila ng remuneration ang inaasahang babayaran ng Kingdom of Saudi Arabia, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Ayon sa DOLE, inaasahang mababayaran ang halagang ito sa Disyembre, kung kailan nakatakdang bumisita sa Pilipinas si KSA Labor Minister Ahmed al-Rajhi.

Inilabas ng DOLE ang statement na ito matapos na dumalo si Labor Secretary Silvestre Bello III sa Abu Dhabi Dialogue sa KSA noong nakaraang linggo para talakayin ang kooperasyon sa pagitan ng mga bansa sa Asia at labor destinations.

Natalakay din sa naturang pag-uusap ang posibleng pagtanggal sa suspension sa Arab mega recruitment agencies na sinasabing responsable sa deployment ng mga OFWs na mayroong unpaid salaries at benefits.

Nitong buwan lang din ay umapela si Bello kay Pangulong Rodrigo Duterte na magpataw ng deployment ban sa Saudi Arabia kung sakaling hindi pa rin mabayaran ang mga utang na sahod ng mga OFWs.

-- Advertisement --