-- Advertisements --

Ibinunyag ng Commission on Audit (COA) na nasa P4.5 billion ang nagastos ng Office of the President ni dating Pangulong Rodrigo Duterte para sa confidential at intelligence fund noong taong 2021.

Mula sa P9.08 billion central intelligence fund (CIF) ng national government agencies, nasa P2.25 billion ang nagamit para sa confidential expenses (CE) at P2.25 billion para sa intelligence expenses (IE).

Base sa 2021 Annual Financial Report (AFR) on National Government Agencies ng COA, ang confidential expenses ay ginamit para sa surveillance activities sa civil government agencies habang ang intelligence expenses naman ay ginamit para sa pagkalap ng mga aktibidad ng mga uniformed, military personnel at intelligence practitioners.

Ang naturang halaga na ginugol para sa confidential expenses noong 2021 ay bahagyang tumaas ng halos P4 billion kumpara sa mahigit 3.8 billion noong 2020.

Habang mas mababa naman ang ginastos na intelligence expenses na nasa P5.08 biliion kumpara sa IE noong 2020 na nasa mahigit P5.6 billion.

Iniulat din ng COA na nasa kabuuang P1.39 billion sa confidential and intelligence funds ang ginamit ng iba pang executive offices kung saan nasa P1.25 billion ang nagamit para sa CE at P140.2 million para sa IE.