-- Advertisements --

Nagbabala ang Nomura Global Research na mas matinding epekto sa ekonomiya ng Pilipinas ang bagong ipinataw na 19% U.S import tariff, kumpara sa Indonesia sa kabila ng parehong antas ng buwis na ipinatupad sa dalawang bansa.

Ayon sa ulat ng Japanese investment bank, maaaring bumaba ng 0.4 percentage point (ppt) ang gross domestic product (GDP) growth ng Pilipinas sa 2025 dahil sa tariff—doble ng inaasahang epekto sa Indonesia na 0.2 ppt lamang.

Tinawag ng Nomura ang epekto sa Pilipinas na “substantial”, lalo na’t ang baseline GDP forecast ng bansa ay nasa 5.3%, na mas mababa kaysa target ng administrasyong Marcos na 5.5 hanggang 6.5%.

Inamin ng Nomura na una nilang inakala na ibaba sa 10% ang buwis sa Philippine exports, sa pag-asang kakampi ang Pilipinas ng Amerika at hindi transit point ng transshipment.

Ngunit nang matapos ang bilateral meeting nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at U.S. President Donald Trump, nanatiling mataas sa 19% ang buwis—mas mataas pa sa “Liberation Day” level na 17%.

Kasunod ng pagbisita sa Washington, inanunsyo rin ni Marcos na aalisin ng Pilipinas ang tariffs sa US automobiles at mag-aangkat ng mas maraming US soybeans, wheat, at pharmaceutical products.

Nang tanungin kung lugi ba ang Pilipinas sa kasunduan, sinabi ni Marcos: “Well, that’s how negotiations go.”

Sa hiwalay na analysis, sinabi ni Gareth Leather ng Capital Economics sa UK na hindi sapat ang diplomatic strength para maimpluwensyahan ang mga kasunduang ipinapataw ni Trump.

Bagama’t mas malaki ang tinatayang GDP loss ng Pilipinas, binigyang-diin ng Nomura na ang Indonesia naman ay posibleng maapektuhan sa pamamagitan ng pagtaas ng importasyon ng US goods, na maaaring makabigat sa kanilang economic growth at twin deficits.