Tinatayang sa taong 2027 pa mangyayari ang inaasahang pag-angat ng ranggo ng Pilipinas sa upper income status.
Ayon sa global financial institution na World Bank (WB), posibleng makaalpas ang ating bansa mula sa low middle income status sa sunod na dalawang taon pa at hindi ngayong 2025 o sa 2026.
Ipinaliwanag ni World Bank Lead Economist Gonzalo Varela sa isinagawang Philippine Economics briefing na bagamat posibleng mangyari ito sa susunod na taon ay maaaring makaudlot dito ang mga uncertainties o biglaang mga pandaigdigang pangyayari gaya ng polisiya ng Amerika sa taripa at geopolitical tensions.
Maaari umanong magresulta ito sa paghina ng exports, pagbaba ng paglago ng mga serbisyo at industriya.
Nakikita rin ng financial institution na lalago ang bansa sa 5.3% growth rate ngayong 2025, mas mababa sa naitalang gross domestic product (GDP) noong nakalipas na taon at malayo sa target ng pamahalaan na 6% hanggang 8%.
Hindi naman nakasama pa sa pagtaya ng WB ang epekto ng nagpapatuloy na tensiyon sa pagitan ng Israel at Iran subalit sakali aniyang tumindi pa ito, maaaring makaapekto ito sa Pilipinas at pandaigdigang kalakalan tulad ng pagsipa ng presyo ng mga bilihin at makaapekto sa global shipping, logistics at sa ekonomiya.
Bunsod nito, inirekomenda ng WB sa PH na magpatupad ng mga reporma sa buwis, pahusayin pa ang paggugol ng pondo at pababain ang deficits. Dapat din aniya na mamuhunan ang bansa sa imprastruktura na kailangan para sa trabaho, para mapabilis ang regulasyon ng mga negosyo at magamit ang mga pribadong kapital.