-- Advertisements --

Umapela si Senador Win Gatchalian para sa agarang pagpapatupad ng mga angkop na polisiya upang maibsan ang negatibong epekto ng 19% reciprocal tariff na ipinataw ng Estados Unidos sa mga export ng Pilipinas.

Ayon kay Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Finance, dapat maglatag ng mga hakbang upang masuportahan ang mga manggagawang posibleng mawalan ng trabaho, lalo na’t may mga industriya nang nag-uulat ng tanggalan kahit isang buwan pa lamang matapos ipatupad ang taripa.

Muling inihain ng senador ang isang resolusyon na layong tukuyin ang kabuuang epekto ng taripa, kabilang ang mga balakid sa supply chain at posibilidad ng pag-alis ng ilang manufacturers na gustong umiwas sa dagdag na buwis.

“Kailangan nating makita ang buong epekto ng reciprocal tariffs para makagawa ng mga polisiya na tutulong sa mga maaapektuhang sektor at mawawalan ng trabaho,” dagdag niya.