Inihayag ng Department of Justice na posibleng ipadala nila sa ibang bansa ang mga narekober na buto sa Taal lake para isailalim sa siyantipikong mga pagsusuri.
Sa naging pagtatanong ng Bombo Radyo kay Justice Secretary Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla kanyang ibinahagi ang ganitong plano o posibilidad hinggil sa pagsasagawa ng DNA testing.
Aniya’y kinakailangan ng makabagong mga pamamaraan sapagkat kanyang inamin na hindi maitatanggi na may kakulangan pa rin ang bansa hinggil ganitong uri ng pagsusuri.
Kaya’t maging ang karagdagang tulong o asiste sa pagsasagawa ng DNA testing o forensic examinations ng mga narekober na buto ay kasama na sa mga hiling ng kagawaran sa bansang Japan.
”Kung kinakailangan ipadala sa ibang bansa upang tingnan padadala natin, wala tayong titipirin dito. Napakahalaga ng kaso,” ani Secretary Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla ng Department of Justice (DOJ)
Nang matanong kung ano ang naging kinalabasan o development sa pakikipag-ugnayan sa Japan, kanyang inamin na wala pang panibagong ulat hinggil rito.
Samantala, kaugnay naman sa inilabas na pahayag ng Philippine National Police (PNP) hinggil sa DNA testing, itinuring itong ‘premature’ ni Justice Secretary Remulla.
Kasunod ng isapubliko ng Pambansang Pulisya na walang nakuhang DNA profile sa mga narekober na buto sa Taal lake, ani Secretary Remulla, hindi na muling magsasalita ang PNP tungkol rito.
”Wala yun, ah sabi ko nga it’s a process eh. Porket ba sa unang buto wala eh ilan daang buto na ba ang nakukuha. Hindi pa eh, it’s premature to say anything of that nature. They will not talk again, hindi na sila magsasalita tungkol dyan,” ani pa Sec. Jesus Crispin Remulla ng DOJ.
Kaya naman sa kabila nito’y kanyang inihayag naman ang pasasalamat sa Philippine Coast Guard sa koordinasyon nitong patuloy na pagsasagawa ng pagsisid sa Taal lake.
Kung saan kanyang kinilala ang parte ng naturang ahensya na siyang mahalaga at malaki ang naitutulong sa pag-usad at nagpapatuloy pang imbestigasyon.