-- Advertisements --

Nagtayo ng mga tent ang Philippine Navy (PN) Northern Luzon Naval Command upang malilipatan ng mga evacuees na hindi pa nakakabalik sa kani-kanilang tahanan dahil sa malawakang epekto ng magkakasunod na bagyong Crising, Dante, at Emong.

Ang mga naturang tent ay itinayo sa ilang lugar sa probinsya ng La Union, at magsisilbing pansamantalang evacuation center para sa mga inilikas na residente.

Ang naturang hakbang ay upang bigyang daan ang muling paggamit sa mga silid-aralan na una nang ginamit bilang mga evacuation center nitong mga nakalipas na araw dahil sa libo-libong inilikas.

Sa naturang probinsya, halos 70,000 pamilya mula sa mahigit 400 barangay ang natukoy na apektado.

Umabot na rin sa mahigit 16,000 kabahayan ang naitalang nasira at nawasak sa naturang probinsya dahil sa sunod-sunod na kalamidad.

Sa kasalukuyan, nananatiling naka-deploy ang ilang team mula sa naturang command upang tumulong sa iba’t-ibang humanitarian mission sa Northern Luzon, habang nananatiling lubog sa baha ang ilang mga lugar, lalo na sa Ilocos Region.