-- Advertisements --

Isinasapinal na ang Metro Manila Drainage Master Plan na planong ipatupad sa kabuuan ng National Capital Region.

Ito ay inaasahang magiging tugon sa taunang pagbaha sa capital region na inaabot pa ng ilang araw bago tuluyang humupa.

Ayon kay Metro Manila Council President at San Juan City Mayor Francis Zamora, ang isinasapinal na master plan ay bahagi ng kolaborasyon ng bawat alkalde sa NCR, sa tulong ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Dito ay tinukoy ang mga lugar na dapat tayuan ng mga malalaking pumping station, komprehensibong drainage system, atbpang flood control project.

Binigyang-diin ng alkalde na ang mababang pondo ng mga lokal na pamahalaan ang isa sa mga malaking hamon para gumawa ang mga ito ng sarili nilang flood control project kahit na nais na nilang magtayo sa kani-kanilang mga lugar.

Dahil dito, hinihintay pa aniya ang tulong ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa sapat na pondo mula sa national government at implementasyon ng mga drainage at flood control system.

Ang tanging nagagawa lamang kasi ng mga ito aniya ay tukuyin ang mga flood prone area, anong mga barangay ang dapat lagyan o tayuan ng mga pumping station, at anong mga barangay ang nangangailangan ng komprehensibong drainage.

Aminado ang alkalde na sa kabila ng komprehensibong drainage master plan ay malaking hamon pa rin ang sistema ng pagtatapon ng basura o waste management.

Hangga’t hindi natututo ang publiko aniya, tuloy-tuloy na mararanasan ng NCR ang malawakang pagbaha dahil labis na naiipon ang mga basura sa mga drainange canal at tuluyang bumabara sa mga lagusan ng tubig.

Batay sa pagtaya ng MMC at MMDA, bawat indibidwal sa NCR ay may kakayahang gumawa ng isang kilong basura sa loob ng isang araw. Kung mayroong 15 million katao sa capital region, umaabot sa 15 million kilo ng basura ang nagagawa rito, araw-araw.