Ibinunyag ng Commission on Audit (COA) na nasa P335 million ang halaga ng nawawala sa gobyerno dahil sa duplicates at inconsistencies sa database ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa Performance Audit Report ng COA sa 4Ps program, inirekomenda nitong muli ang pagsasagawa ng cleansing o paglilinis sa database ng 4Ps upang maayos ang duplicates o pagkakapareho.
Sa isinagawang audit ng ahensiya, mayroong inilabas na grants sa 25,410 validated at delisted duplicates mula sa 18 rehiyon na nagkakahalaga ng kabuuang P335,485,000.
Nakapag-detect ng nasa 94,831 suspected duplicates sa database noong taong 2017.
Sa naturang bilang, nasa mahigit 80,000 kaso ang naresolba ng DSWD dahilan para bumaba na ang incidence ng duplication sa 4Ps.
Subalit ayon sa COA, as of June 30 , 2021 mayroong 103,287 suspected duplicate households mula 2017 hanggang 2021. Ito ay nagkakahalaga ng P1.05 billion na 4Ps assistance mula sa gobyerno.
Naresolba naman ng DSWD ang nasa 3,066 duplicate cases, habang nasa 20,221 ang subject para sa field validation.