Lumubo na sa P121.88 million ang halaga ng pinsalang inabot ng sektor ng pagsasaka dahil sa pinagsamang epekto ng bagyong Crising at hanging habagat.
Sa report na inilabas ng Department of Agriculture – Disaster Risk Reduction and Management Operations Center ngayong araw (July 22), lumubo pa sa 7,911 ektarya ng mga sakahan ang apektado kung saan mahigit 1,300 ektarya ang totally damaged.
Ito ay nagdulot ng pagkasira ng hanggang 3,075 metriko tonelada ng iba’t-ibang agri products at naka-apekto sa kabuuang 6,377 magsasaka at mga mangingisda.
Malaking porsyento nito ay mula sa rice industry na umabot sa 90.51% habang ang nalalabi ay pinaghati-hatian na ng mais, high value crops, poultry, fisheries, atbpa.
Pangunahing naapektuhan ang mga palayan sa probinsya ng Cagayan, Tarlac, Bataan, at Negros Occidental.
Nananatili namang available ang kabuuang P495 million na halaga ng agri inputs sa mga regional office ng DA na maaaring ipamahagi sa mga magsasakang apektado sa kalamidad.
Ayon sa DA, nagsasagawa na rin ng assessment ang mga field office ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) para sa mga magsasakang naunang nakapagpaseguro sa kanilang mga sakahan. Pagtitiyak ng ahensiya, nakahanda ang sapat na halaga para insurance claims ng mga magsasaka.