-- Advertisements --

Idineklara na ang state of calamity sa ilang lugar sa Pilipinas dahil sa pananalasa ng bagyong Crising at habagat.

Nagdulot ang naturang mga kalamidad ng matinding pagbaha na nagbunsod naman sa pagka-displace ng maraming mga residente.

Sa Metro Manila, isinailalim na sa state of calamity ang Quezon City na matindi ding sinalanta ng mga pagbaha at Malabon City.

Habang nakatakda namang pormal na ideklara ang state of calamity sa Manila City posible ngayong araw matapos kumpirmahin kahapon ni Mayor Isko Moreno ang pangangailangan na ideklara ito sa siyudad.

Sa Ilocos Region naman, idineklara na rin ang state of calamity sa bayan ng Umingan sa lalawigan ng Pangasinan matapos ma-displace ang mahigit 6,000 pamilya dahil sa mga kalamidad gayundin sa bayan ng Malasiqui.

Isinailalim na rin sa state of calamity sa Calumpit, Bulacan, buong lalawigan ng Cavite, Sebaste sa Antique at sa Cebu City.

Ang deklarasyon ng state of calamity ay nagbibigay-daan sa lokal na pamahalaan para mabilis na ma-access ang kanilang emergency fund at magpatupad ng mga relief operations upang matulungan ang mga na-displace na residente.

Pahihintulutan din ng deklarasyon ang mga lokal na pamahalaan na magpataw ng price freeze sa mga pangunahing bilihin.